SOCIAL MEDIA BAN SA EDAD 16 PABABA IPAPRAYORIDAD SA SENADO

NANGAKO ang mga senador na ipaprayoridad ang pagtalakay at pagsasabatas ng mga panukalang naglalayong ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga edad 16 pababa.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na malinaw sa mga scientific research sa iba’t ibang bansa na may negatibong epekto ang social media sa mga bata, kabilang ang posibilidad na mahikayat silang gumawa ng karahasan at krimen.

Ayon kay Gatchalian, naaapektuhan din ng social media ang mental health, kaligtasan, at kapakanan ng mga pamilya at komunidad.

Dahil dito, iginiit ng senador na panahon nang iprayoridad ng Senado ang mga panukalang Social Media Ban, partikular ang kanyang Senate Bill No. 2066.

Kinatigan ito ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, na nagsabing kailangan ang political will upang maipatupad ang social media ban para sa mga menor de edad, gaya ng mga hakbang sa England, France at iba pang bansa sa Europa.

Ayon kay Zubiri, lubha nang nakaaalarma ang masamang epekto ng social media sa kaisipan at pag-uugali ng mga bata.

Binigyang-diin din ni Zubiri na hindi lamang social media ang dapat tutukan kundi maging ang mga bayolenteng online games, partikular ang mga larong may barilan, na aniya ay maaaring gayahin ng mga bata.

Ito umano ang lumitaw sa imbestigasyon sa mga insidente ng pamamaril sa loob ng mga paaralan sa Zamboanga City at Tacloban City.

Samantala, sinabi ni Senador Robin Padilla, chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na isusumite niya sa plenaryo sa mga susunod na linggo ang panukalang naglalayong ipagbawal sa mga menor de edad ang social media, bayolenteng online games, websites at online communities na nag-uudyok ng karahasan, kabilang ang True Crime Community.

Binigyang-diin ni Padilla na maituturing nang “clear and present danger” sa mga kabataan ang ganitong uri ng online content.

(DANG SAMSON-GARCIA)

62

Related posts

Leave a Comment