P30.78-M KETAMINE NASABAT SA CLARK, ISINALIN NG BOC SA PDEA

TIMBOG! Iprinisenta nina (mula sa kaliwa) BOC Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes, PDEA Region III Director Jigger B. Montallana at BOC Enforcement Group Deputy Commissioner Nolasco K. Bathan sa media ang nasamsam na P30.780 milyong halaga ng “relaxant” Ketamine na diumano ay hinahalo sa iba pang ilegal na droga at ginagamit tuwing may mga wild party. (JUNEX DORONIO)

ANGELES CITY — Pormal na isinalin kahapon (Abril 20) ng Bureau of Customs – Port of Clark sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabat na shipment ng Ketamine na nagkakahalaga ng P30.78 milyon matapos itong matuklasang nakatago sa loob ng cable spool.

Sa media conference ng formal turn over, inihayag ni BOC Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes na hindi nakaapekto sa mga investment sa lungsod na ito ang masigasig na kampanya laban sa mapanganib na droga.

Matagumpay na naharang ng BOC-Clark, katuwang ang PDEA–Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang isang padala na naglalaman ng 6,156 gramo ng Ketamine na isang mapanganib na droga.

Ang shipment, na idineklarang “solar cables,” ay nagmula sa Netherlands at patungong Pasig City, dagdag ni Reyes.

Nagpositibo rin sa K-9 sniff test ang parcel, dahilan upang isailalim ito sa masusing pagsusuri.

Sa pagbubukas ng kargamento, nadiskubre ang isang kahoy na cable spool na may nakapulupot na mga wire.

Nang ito ay baklasin, natagpuan ang anim na transparent plastic pouches na naglalaman ng puting kristal na substansya na itinago sa loob ng estruktura.

Kinumpirma sa pamamagitan ng Rigaku Spectrometer na ang laman nito ay Ketamine, na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 9165.

Dahil dito, naglabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) kaugnay ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Habang patuloy na nag-iiba ang taktika ng mga smuggler, kailangan din nating mas paigtingin ang ating sistema at kakayahan upang manatiling isang hakbang sa unahan,” ani Reyes.

Ayon kay PDEA Region III Director Jigger B. Montallana, ang Ketamine ay kilalang isang “relaxant” para sa mga kabayo ngunit inihahalo ito sa iba pang mga droga na ginagamit umano sa mga “wild parties.”

217

Related posts

Leave a Comment