HANGGANG Abril 1 magpapatupad ng water interruption ang Maynilad sa 24 barangays ng Valenzuela City tuwing gabi.
Mula Marso 17 hanggang Abril 1 ay walang tutulong tubig sa mga gripo sa sumusunod na mga barangay sa Valenzuela City mula 10 pm hanggang 4 am: Arkong Bato, Balangkas, Bisig, Coloong, Dalandanan, Gen. T. De Leon, Isla, Karuhatan, Mabolo, Malanday, Malinta, Marulas, Maysan, Palasan, Parada, Pariancillo Villa, Pasolo, Poblacion, Polo, Rincon, Tagalag, Ugong Viente Reales at Wawang Polo.
Ito ay dahil pupunuin umano ng Maynilad ang mga reservoir nito na mabilis na bumaba ang supply dahil sa malaking pangangailangan sa tubig.
Unang pinutol ang supply ng tubig sa lungsod noong gabi ng Marso 9 hanggang umaga ng Marso 10.
Samantala, patuloy ring magsasagawa ng daily water service interruption ang Maynilad sa buong Malabon City simula Marso 17 hanggang Abril 1.
Tuwing ika-10 ng gabi hanggang ika-4 ng umaga rin mawawalan ng tubig sa lungsod dahil sa mababang lebel ng tubig sa mga dam.
Patuloy na pinaaalalahanan ang mamamayan ng dalawang siyudad na maging masinop sa paggamit at ugaliing mag-ipon ng tubig para maging handa sa ano mang emergency water service interruption. (ALAIN AJERO)
231
