P8-B FIREARM PURCHASE NG DILG-PNP IIMBESTIGAHAN NG KAMARA

IIMBESTIGAHAN ng Kamara ang resolusyon ng DILG at PNP para bumili ng P8 bilyong baril kahit wala sa pondo.

Plano ng House committee on public order and safety na silipin ang kontrobersyal na resolusyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng planong pagbili ng P8 bilyong halaga ng baril kahit wala itong pondo.

Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Antipolo City Rep. Ronaldo Puno, chairman ng National Unity Party (NUP), na hiniling ng kanilang grupo kay Manila Rep. Rolando Valeriano, chairman ng nasabing komite, na agad na maglunsad ng imbestigasyon.

Ayon kay Puno, lumutang ang usapin nang mapag-alaman na may planong bumili ng armas ang PNP at DILG sa halagang P8 bilyon, subalit wala umano itong nakalagay sa 2025 General Appropriations Act (GAA). Wala rin aniyang nakasaad na ganitong alokasyon sa 2026 National Expenditure Program (NEP), kaya’t dapat tukuyin kung saan kukunin ang pondo.

Naging mas kontrobersyal ang resolusyon matapos matanggal sa pwesto si dating PNP chief Gen. Nicolas Torre, na tanging hindi lumagda sa dokumento. Itinuturing ito ng ilan bilang isa sa mga dahilan ng kanyang pagkakasibak.

Sa panig ni Valeriano, sinabi nitong kabilang sa aalamin sa gagawing imbestigasyon, na posibleng isagawa sa susunod na linggo, ay kung may kinalaman ang resolusyon sa pagkakatanggal ni Torre. Aniya, iimbitahan ng komite ang dating PNP chief upang linawin ang isyu.

(BERNARD TAGUINOD)

179

Related posts

Leave a Comment