STORE OWNER, TIMBOG SA ILLEGAL LPG REFILLING

ARESTADO ang isang store owner sa ikinasang entrapment operation ng pulisya dahil sa illegal refilling, marketing and distribution ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Valenzuela City noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela Police chief, Col. Fernando Ortega ang arestadong suspek na si Steven Joe Gervacio Lucas, 25, may-ari ng Marben Trading at residente sa Km 17, MacArthur Highway, Malanday.

Ayon sa imbestigasyon, lumapit sa Valenzuela Police Station ang complainant/representative ng Petron Corporation at Isla Petroleum & Gas Corporation na si Celestino Molina Foronda, 51, brand protection agent, upang humingi ng tulong hinggil sa illegal refilling, marketing and distribution ng suspek sa kanilang mga produkto.

Kaagad inatasan ni Col. Ortega ang mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB) na magkasa ng entrapment operation kontra sa suspek sa tindahan nito sa Km 17, MacArthur Highway dakong alas-3:15 ng hapon.

Dalawang saksi na kinilalang sina Joelito Villaseñor at Gilbert Soriano na umaktong poseur buyer, ang bumili sa suspek ng tig-isang 11 kilogram tank ng LPG Petron Gasul na nagkakahalaga ng P730 at Solane gas na nagkakahalaga ng P750.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money, agad nagbigay ng signal ang dalawang saksi kaya’t kaagad lumapit ang mga operatiba at nagpakilalang mga pulis saka inaresto si Lucas.

Nakumpiska sa suspek ang marked money at nakuha sa tindahan nito ang ilang piraso ng LPG tanks na may mga pekeng gas seal. (FRANCIS SORIANO)

263

Related posts

Leave a Comment