PACQUIAO 8th RICHEST ATHLETE SA MUNDO

(NI VT ROMANO)

KABILANG si eight-division world champion Manny Pacquiao sa mga atleta sa mundo na kumita nang malaki sa loob ng isang dekada.

Si Pacquiao, nagdiwang ng ika-41 kaarawan nitong Disyembre 17, ay No. 8 sa listahan ng Forbes magazine. Siya ay kumita ng kabuuang $435 million mula 2010 hanggang 2019, na ang pinakamalaki ay mula sa showdown niya kay Floyd Mayweather.

Ang nasabing 2015 fight kay Mayweather din ang may pinakamalaking kinita sa kasaysayan ng professional boxing, mula sa ticket sales ay kumita ito ng $72 million na bumura sa record ng Super Bowl XLIX.

Winasak din ng Pacquiao-Mayweather fight ang PPV (pay-per-view) records sa US, nang magtala ito ng total buys na 4.6 million ($410 million). Tinabunan nito ang 2013 fight nina Mayweather at Canelo Alvarez na kumita ng $150 million (PPV) at maging ang 2.48 million buys na unang itinala ni Mayweather nang labanan si Oscar De La Hoya noong 2007.

Si Pacquiao, na isa ring senador, ay kumita ng $160 million sa kanyang 12-round bout kay Mayweather, kung saan siya natalo via unanimous decision.

Hindi na rin nakakasorpresa na si Mayweather ang nanguna sa listahan ng Forbes, na kumita ng $915 million, kasama ang $220 million na kanyang kinita sa laban kay Pacquiao.

Ang 42-anyos na undefeated boxer ay kumita rin ng $275 million sa laban kay UFC star Conor McGregor.

May record na 50-0, si Mayweather ay kumita rin ng $41 million laban kay Alvarez, bukod pa sa annual net na $10 million mula sa kanyang mga endorsement.

Tanging sina Pacquiao at Mayweather ang boksingerong napasama sa listahan.

Ang iba’y kinabibilangan nina football superstars Cristiano Ronaldo ($800M), Lionel Messi ($750M), NBA player LeBron James ($680M), tennis star Roger Federer ($640M), golfers Tiger Woods ($615M) at Phil Mickelson ($480M), NBA player Kevin Durant ($425M) at car racer Lewis Hamilton ($400M).

 

187

Related posts

Leave a Comment