Padre de pamilya nagbigti matapos patayin ang misis, 2 anak TRAHEDYA SA AWAY MAG-ASAWA

LAGUNA – Apat na magkakapamilya ang natagpuang patay sa kanilang bahay sa Biñan City sa lalawigang ito, nitong Martes ng tanghali.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Biñan City Police, lumalabas na pinatay ng padre de pamilya ang kanyang asawa at ang kanilang dalawang anak bago ito nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti.

Kinilala ang mga biktimang sina Johnny Martinez, 46; live-in partner nito na si Jolly Espinas, 41, at mga anak na sina Winston, 7, at Brixton, isang taong gulang.

Natagpuan ang bangkay ng mag-anak sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Canlalay dakong ala-1:00 ng tanghali.

May mga sugat sa ulo ang nanay at ang dalawang bata na siyang ikinamatay ng mga ito.

Nakita sa tabi ng mga ito ang isang duguang martilyo na posibleng ginamit na pamalo ng padre de pamilya.

Natagpuan naman ang bangkay ng kanilang tatay habang nakabigti sa hagdan ng bahay gamit ang nylon strap.

Ayon sa mga kapitbahay, dakong alas-11:00 ng umaga nang marinig nila na nagkakagulo sa nasabing bahay at nag-iiyakan ang mga bata.

Malimit umanong mag-away ang mag-asawa dahil sa kanilang problemang pinansyal at kahirapang dinaranas.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad pangyayari. (NILOU DEL CARMEN)

219

Related posts

Leave a Comment