PAG-ALIS NG VAT SA SYSTEM LOSS ITINULAK NI VILLAR

PASAY CITY — Isinusulong ni Senator Mark A. Villar ang agarang pagtanggal ng 12-percent Value-Added Tax (VAT) sa system loss charges sa singil sa kuryente, dahil hindi aniya dapat pagbayarin ng buwis ang mga consumer para sa kuryenteng hindi naman nila aktuwal na nakonsumo.

Kaugnay nito, inihain ni Villar ang Senate Bill No. 2392 na naglalayong gawing VAT-exempt ang system loss component na sinisingil ng mga distribution utility at electric cooperative.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Section 109 ng National Internal Revenue Code upang alisin ang VAT sa pinahihintulutang technical at non-technical system losses na maaaring ipasa sa consumers alinsunod sa mga patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Electric Power Industry Reform Act of 2001.

“Simple lang ang prinsipyo natin: kung hindi naman nakonsumo ng consumer ang kuryente, hindi siya dapat singilin ng buwis para rito. Mataas na nga ang binabayaran ng ating mga kababayan sa kuryente, may system loss pa na hindi naman nila kasalanan. Kaya dapat nating alisin agad ang mga dagdag na singil na maaari namang bawasan,” ani Villar.

Ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala bago makarating sa mga consumer. Kabilang dito ang technical losses habang dumadaloy ang kuryente sa distribution system at non-technical losses na maaaring dulot ng pagnanakaw ng kuryente, maling pagsukat ng metro, unmetered consumption at human error.

Sa kasalukuyan, maaaring ipasa sa consumers ang pinahihintulutang system losses na karaniwang bumubuo ng humigit-kumulang lima hanggang anim na porsyento ng kanilang electric bill.

Ayon kay Villar, napapanahon ang panukala habang patuloy na nahaharap ang mga pamilyang Pilipino sa mataas na singil sa kuryente.

Inirekomenda rin umano ng ERC ang pagtanggal ng VAT sa system loss charges, dahil dapat nakabatay ang buwis sa kuryenteng aktwal na nakonsumo ng customer at hindi sa kuryenteng nawala sa distribution system.

Binigyang-diin ni Villar na nananatiling kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na presyo ng kuryente sa ASEAN at Asya.

“Hindi makatarungan na ang consumer na nga ang sumasagot sa system loss, papatawan pa ito ng VAT. Dapat maging mas patas ang singil sa kuryente at tiyakin nating hangga’t maaari, ang bawat pisong binabayaran ng pamilyang Pilipino ay para sa kuryente at serbisyong aktuwal nilang natatanggap,” diin niya.

Ani Villar, kahit maliit na bawas sa buwanang electric bill ay maaaring maging malaking tulong kapag pinagsama-sama ang matitipid ng milyun-milyong consumer, lalo na ang mga pamilyang mababa at katamtaman ang kita.

“Sa bawat bawas sa singil sa kuryente, may dagdag na pwedeng ilaan ang pamilya para sa pagkain, pamasahe, gamot, at edukasyon. Praktikal at direktang tulong ito na mararamdaman mismo ng ating mga consumer sa kanilang buwanang bayarin,” dagdag niya.

(DANNY BACOLOD)

58

Related posts

Leave a Comment