IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Tino sa Cebu ay resulta umano ng walang habas na quarrying, na pinalala pa ng korupsyon at kapabayaan ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, alam na ng DENR ang dapat gawin kaya hindi na kailangang iutos pa ni Pangulong Marcos ang pagsisiyasat sa ganitong klaseng sitwasyon.
“Sa ngayon po ay wala pa pong naipapaabot sa atin kung mayroon na pong usapan ang Malacañang at ang DENR, pero hindi na po kailangang iutos ‘to ng Pangulo dahil alam po nila kung ano ang nais ng Pangulo at ang mga direktiba niya sa mga ganitong klaseng kalamidad,” ani Castro.
Dagdag pa niya, dapat talagang busisiin ng DENR kung may kapabayaan o pang-aabuso sa kalikasan ang nagpalala sa pinsala.
Nauna nang sinabi ng KMP na ang malawakang pagbaha sa buong Cebu ay patunay ng panganib ng walang regulasyong quarrying sa mga bundok at upland barangay.
Matatandaang ilang beses nang nagkaroon ng pagguho sa mga quarry site sa lalawigan, kabilang na ang trahedyang Setyembre 2018 sa Naga City kung saan 78 katao ang nasawi at lima ang nawawala. Nitong nakaraang buwan, isang 18-anyos na manggagawa rin ang nasawi sa Camotes Island dahil sa pagguho ng lupa.
Noong Hulyo, pansamantalang sinuspinde ng Cebu provincial government ang lahat ng operasyon ng quarrying para sa masusing pagsusuri. Ngunit ayon sa KMP, patuloy ang mga operasyon sa iba’t ibang bayan at lungsod gaya ng Asturias, Balamban, Bogo City, Carcar City, Dalaguete, at Toledo City.
FC projects Silipin Din
Kaugnay nito, hiniling ni Ako Bicol party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House committee on public accounts, sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na imbestigahan ang mga flood control project sa lalawigan.
Ayon kay Ridon, dapat personal na mag-ikot ang ICI sa Cebu at sa iba pang lugar na sinalanta ng bagyo upang matukoy kung alin sa flood control projects ang gumana at alin ang pumalpak.
“Kailangang magtungo (ang ICI) sa Cebu at sa iba pang apektadong mga lugar nito nagdaang bagyo para makita at masiyasat kung ano alin po ang mga gumana at alin ang mga hindi gumana na flood control projects doon,” ani Ridon.
Binanggit pa ng kongresista na dapat ding silipin ng ICI ang mga proyekto ng QM Builders, isa sa 15 top contractors na pinangalanan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakabase sa Cebu.
Iginiit din ng mambabatas na dapat siyasatin kung umiiral din ang parehong ‘template ng katiwalian’ sa mga flood control projects sa Cebu at sa ibang mga rehiyon na lubog sa baha kahit may proyekto na dapat sana’y pumipigil dito.
Base sa mga ulat, umabot hanggang bubong ng bahay ang baha sa ilang bahagi ng Cebu, dahilan para maglutangan ang mga sasakyan at masira ang kabuhayan ng mga residente.
Sa datos ng Kamara, umabot sa P1.4 trilyon ang ginastos ng pamahalaan sa mga flood control projects sa nakalipas na tatlong taon, bukod pa sa mga proyekto noong mga nagdaang administrasyon.
(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
126
