PAGBAGSAK NG KISAME SA NAIA, TINAWAG NA LANTAD NA KAPABAYAAN

ISANG seryosong pangamba sa kaligtasan ng mga pasahero ang pagbagsak ng bahagi ng kisame sa arrival extension area ng Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-10:43 ng umaga, noong Biyernes Santo, Abril 3.

Pito katao ang nasugatan sa insidente na agad ding nabigyan ng medikal na atensyon.

Ayon sa PUSO ng NAIA, ang insidente ay hindi dapat ituring na simpleng aksidente lamang kundi posibleng senyales ng mas malalim na problema sa maintenance, inspeksyon, at pangkalahatang pamamahala ng paliparan.

Sinabi ni Romy Sauler, Head Secretariat ng PUSO ng NAIA, na may obligasyon ang mga operator at ahensya ng gobyerno na tiyakin ang pinakamataas na antas ng kaligtasan, lalo na’t patuloy na nagbabayad ng mas mataas na bayarin ang mga pasahero sa ilalim ng programang modernisasyon.

Aniya, bagama’t ipinangako ang “world-class” na pasilidad sa ilalim ng kasunduan ng Department of Transportation (DOTr) at New NAIA Infra Corp. (NNIC), nananatiling kuwestiyonable ang aktwal na kondisyon at kalidad ng serbisyo sa paliparan.

Tinukoy ng grupo ang ilang pangunahing isyu, kabilang ang umano’y kakulangan sa maayos na maintenance, kahinaan sa regulatory oversight, kawalan ng independent technical monitoring, at ang patuloy na pagpapasan ng dagdag na bayarin ng mga pasahero sa kabila ng hindi pa maayos na serbisyo.

Ipinahayag din ng PUSO ng NAIA ang pangamba sa paniningil ng mas mataas na airport fees kahit hindi pa ganap na naipatutupad ang ipinapangakong ₱170-bilyong puhunan, na anila’y dagdag pasanin sa mamamayan sa gitna ng tumataas na gastos sa pamumuhay.

Sa panig ng pamunuan, sinabi ni NNIC General Manager Lito Alvarez na agad na naasikaso ang mga nasugatan at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan. Tiniyak din niya na patuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pasahero.

Samantala, inihayag ng DOTr na inatasan nito ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makipagtulungan sa NNIC upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente, habang lumalakas ang panawagan para sa transparency, safety audit, at pananagutan ng kapwa pribadong operator at mga ahensya ng pamahalaan.

Mababatid na ang PUSO ng NAIA (Pagkakaisa ng User, Stakeholder, at Obrero ng NAIA) ay isang koalisyon ng mga aviation workers, labor groups, overseas Filipino workers (OFWs), at commuters na binuo upang tutulan ang pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang kaakibat na pagtaas ng bayad sa paliparan.

Kabilang sa malalaking grupong nakapaloob sa Puso ng NAIA ay ang National Confederation of Labor (NCL), Unified Pamilya OFW, Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP), POLPhil, Socialista Pilipinas, SMPP, Pinoy Aksyon Inc., at Partido Lakas ng Masa (PLM).

29

Related posts

Leave a Comment