NANANAWAGAN ang mayorya sa mga bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan (Board Members) ng Batangas ng pagkakaisa sa kanilang hanay dahil hindi pa rin naipapasa ang Internal Rules of Procedure (IRP) o ang kanilang magiging gabay para sa pagganap ng mga sesyon para sa panlalawigan.
Ito ay sa dahilang hindi pa inaaprubahan ang committee report na nilagdaan ng lahat ng Board Members sa isinagawang 2nd Regular Session noong ika-14 ng Hulyo 2025, na pinangunahan ni Vice Governor Hermilando Mandanas bilang presiding officer kaya nananatili pa rin sa Committee on Ethics, Accountability and Good Governance ang IRP.
Magugunita na nitong nakaraang linggo ay inabot ng limang oras ang diskusyon ng mga bokal patungkol sa pagre-refer sa nasabing komite.
Ang komite na binubuo ng lahat ng board members, ay nagkaroon na ng limang araw na pagdinig kaugnay ng usaping ito, at magpapatuloy pa sa mga susunod na araw.
Ang lahat ng IRP ay naglalaman ng mga pamamaraan at gabay para sa pagsasagawa ng mga sesyon at ang pangkalahatang legislative process, na karaniwang inaaprubahan sa inaugural session upang hindi mahinto ang pagbibigay-aksyon sa mga pangangailangan ng publiko.
Kailangang maipasa ang IRP bago masimulan ang mga proyekto at programa na ipatutupad ng ehekutibo dahil nakapaloob dito ang pagbuo ng mga komite at mga mamumuno nito o committee chairmanships, na siyang inaasahang mangunguna at magiging tagapag-ugnay para sa pagpapaganap o implementasyon ng mga prayoridad na serbisyo.
Bago magtapos ang sesyon, nanawagan si 6th District Board Member Aries Emmanuel Mendoza na magkaisa na ang sanggunian para sa kagalingan ng bawat Batangueño, na sinegundahan naman ng karamihan ng board members sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang kamay na tanda ng pagiging bahagi ng mayorya.
Subalit, ito ay pinawalang-saysay ng presiding officer na tila taliwas sa kanyang pangako kay Governor Vilma Santos-Recto na makipagtulungan sa kanyang administrasyon.
