PAGLANTAD SA SUPPLY AGREEMENT SA PAGBILI NG BAKUNA PINABORAN

BAGAMA’T pabor si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ilabas ang kopya ng supply agreements na nilagdaan ng bansa sa manufacturer ng COVID-19 vaccines sa ngalan ng transparency, nilinaw niya na may mga kailangang sundin ang bansa sa kasunduan upang hindi makompromiso ang pagdating ng bakuna.

Sa pahayag, nilinaw rin ni Go na kung lalabag ito sa kasunduan at makakaantala sa vaccination rollout ang hirit na ito ng iilan, hindi niya ito papaboran.

Sinabi ni Go na gusto rin naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging bukas sa lahat at hanggang sa huling sentimo ay accounted for ang pera ng gobyerno.

Tiniyak din nito sa publiko na bilang chairman ng Senate Committee on Health, patuloy itong magbabantay dahil siya mismo ay hindi papayag na may masayang na pera ng taumbayan.

Dagdag pa ni Go na mangunguna siya sa mga magwawala sa oras na mayroon siyang makitang nasasayang na pera ng taumbayan na dapat ay ginagamit para sa kanila.

Hindi naiwasan ni Go na balikan ang pagpuna ng ilang kritiko noong wala pang mga bakuna pero marami pa ring putak nang dumating na sa bansa ang bakuna.

Aniya, mahigpit ang bilin ni Pangulong Duterte sa namumuno sa pagtugon sa pandemya na ituloy ang kanilang ginagawa at huwag paapekto sa kritiko.

Samantala, inihayag din ni Go na wala itong nakikitang problema sa hirit na paluwagin ang quarantine protocol sa dumarating na Pinoy at foreign nationals mula sa abroad na nabakunahan na kontra COVID-19.

Sinabi ni Go na sa katunayan ay napaiksi na ang dating 14-day quarantine sa mga dumarating sa bansa patungo sa pitong araw na lang lalo na ang mga tinatawag na bakunado.

Kaugnay nito, sinabi ng mambabatas na nangangahulugan ng pagbabawas na ito na maaari nang makalabas ang mga nabakunahan na kabilang ang mga senior citizen at iba pang sector. (ESTONG REYES)

134

Related posts

Leave a Comment