PAGLUSAW SA 12% VAT SA SYSTEM LOSS, ITINUTULAK SA KAMARA

INIHAIN sa Kamara ang magkakahiwalay na panukalang batas na naglalayong alisin ang 12% value-added tax (VAT) sa ilang singil sa kuryente, kabilang ang system loss fees at konsumo ng mga residential consumer, upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilya.

Inihain nina Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang House Bill No. 10602 na naglalayong i-exempt sa 12% VAT ang recoverable distribution system loss charges na kasama sa electric bill.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Seksyon 109 ng National Internal Revenue Code of 1997 upang alisin ang VAT sa mga system loss charge na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ipinaliwanag ni Quimbo na ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala sa distribution lines dahil sa teknikal at di-teknikal na dahilan.

Aniya, hindi makatarungang patawan ng VAT ang mga konsyumer para sa kuryenteng hindi naman nila aktwal na nagamit.

Ang panukala nina Quimbo at Hernandez ay suporta rin sa House Bill No. 10430 na naunang inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat ipapasan sa publiko ang system loss charges.

Samantala, inihain naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill No. 10548 na naglalayong alisin ang 12% VAT sa mga residential consumer na kumokonsumo ng 400 kilowatt-hours (kWh) o mas mababa kada buwan.

Sa ilalim ng panukala, awtomatikong makatatanggap ng VAT exemption ang mga kwalipikadong konsyumer nang hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon. Saklaw nito ang generation, transmission at distribution charges ng mga private utility at electric cooperative.

Ayon kay Tiangco, pangunahing pangangailangan ang kuryente at anomang matitipid ng mga pamilya ay maaaring magamit sa pagkain, gamot at edukasyon.

(TINA MENDOZA)

51

Related posts

Leave a Comment