KINUMPIRMA ng Malakanyang na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsusumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax records ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nagbigay ng awtorisasyon ang Pangulo para maisumite ng BIR ang tax records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
“Yes,” ang naging tugon ni Castro nang tanungin kung nagbigay ng clearance si Pangulong Marcos para sa pagsusumite ng naturang mga dokumento.
Aniya, ibinigay ang clearance alinsunod sa umiiral na batas.
Nauna nang kinumpirma ng mga opisyal ng BIR nitong Hulyo 30 na nakuha nila ang pag-apruba ng Pangulo bago isumite ang mga dokumento sa Office of the Clerk of Court bago ang itinakdang alas-9:00 ng umaga na deadline ng impeachment court.
Matatandaang inatasan ng impeachment court si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na sumunod sa subpoena na humihiling sa tax records ni Vice President Duterte kaugnay ng Article II ng impeachment complaint na may kinalaman sa alegasyon ng unexplained wealth.
Kasama rin sa mga isinumiteng dokumento ang tax records ni Atty. Manases “Mans” Carpio at ng ilang negosyo na umano’y may kaugnayan sa mag-asawa.
(CHRISTIAN DALE)
53 