(NI CHRISTIAN DALE)
WALANG panahon at ayaw mag-aksaya ng oras ng Malakanyang para patulan ang mga banat ni dating pangulong Benigno Aquino III na bumabalik na naman ang diktadurya base sa mga ginagawa ngayon ng gobyernong Duterte.
Ipinagi-ingay ni Aquino na nawala na umano ang diwa ng EDSA, kalayaan at demokrasya at bumabalik ang ideya ng diktaduryang Marcos sa pamamagitan ng mga ginagawa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Partikular na tinukoy nito ang pagbuhay ng Human Settlement at ang pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas at gawin na itong Maharlika.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala siyang nakikitang masama sa pagbuo ng Department of Human Settlement dahil nais lamang ng Punong Ehekutibo na matugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap na Pilipino na hindi naibigay ng mga nakalipas na admibistrasyon.
“Alam mo yung pag-create ng Department of Human Settlement, anong masama doon? Kaya nga tayo lumilikha ng departamento ay upang mabigyang katugunan yung mga pangangailangan natin,”ayon kay Panelo.
Hinggil naman sa planong pagpapalit sa pangalan ng Pilipinas sa Maharlika, sinabi ng kalihim na ideya lang ito ng Pangulo at hindi naman iniutos na gawin o idiniktang ipatupad kaya walang diktaduryang nangyayari sa bansa.
“Yun namang pangalang Maharlika isang ideya yun na kung gusto ng sambayanan ia-adapt natin. Kung ayaw naman eh ‘di hindi, anong problema nila doon?,”ayon kay Panelo.
269