KUMPIYANSA ang Malakanyang na mailulusot ngayon ng mababang kapulungan ng Kongreso at maipapasa sa 3rd at pinal na pagbasa ang budget proposal sa 2021.
Tiwalang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi sila nababahala sa umano’y posibleng paglutang ng bagong minorya at oposisyon.
“Kumpiyansa naman po ang Malacañang na matatapos po iyong third and final reading ng budget sa Kamara dahil nga po nagpapasalamat kami na naisantabi nga po ang pulitika diyan sa Kamara,” ayon kay Sec. Roque.
“At naniniwala po kami na dahil dito ay mapapasa naman po ang ating anti-COVID-19 budget sa lalong mabilis na panahon at hindi po tayo magkakaroon ng re-enacted budget,” dagdag na pahayag nito.
Ani Sec. Roque, kanilang pinanghahawakan ang pangako kapwa nina House Speaker Lord Allan Velasco at Congressman Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte mismo na magiging isang super majority pa rin sila sa Mababang Kapulungan.
Ito ay para tulungan ang Duterte Administration sa legislative agenda nito habang nananatiling buo ang majority coalition sa Kamara.
Ganito rin ang inaasahan ngayon sa Kamara.
Sa nakaraan kasing tatlong araw na special session ay inabot hanggang madaling araw ang deliberasyon sa P4.506 trilyong budget kaya ngayong araw ay target itong pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa.
Base sa Proclamation 1027, nagpatawag ng apat (4) na araw na special session si Pangulong Rodrigo Duterte na nagsimula noong Oktubre 13 at matatapos ngayong araw (Oktubre 16).
Ito ay matapos suspendehin agad ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang sesyon noong Oktubre 6, 2020 at agad na pinagtibay sa ikalawang pagbasa ang national budget kahit mayroon pang 38 ahensya ng gobyerno ang hindi nabusisi sa plenaryo ng Kamara sa gitna ng kanilang agawan sa trono ni Speaker Lord Allan Velasco.
Nang maagaw ni Velasco ang liderato kay Cayetano, ibinalik sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Kamara kaya pinagpuyatan na ito ng mga mambabatas upang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa loob ng apat na araw.
Kasabay ng pagpapatawag ng special session, sinertipikahan din ni Pangulong Duterte ang House Bill (HB) 7727 o General Appropriations Bill (GAB) bilang urgent bill.
Dahil dito, agad pagtitibayin sa ikatlong pagbasa ang nasabing pambansang pondo sa sandaling maipasa ito sa ikalawang pagbasa.
Lahat ng panukala na hindi sertipikado ng pangulo bilang urgent bill ay hindi maaaring ipasa sa ikatlong pagbasa pagkatapos ng ikalawang pagbasa dahil sa umiiral na 3 days session para iimprenta muna ito bago ang final approval. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
