MAHIGPIT na binabalaan ng United States Embassy in Manila ang kanilang mamamayan na umiwas sa ilang lugar na may presensya ng communist New People’s Army (NPA).
Ayon sa embahada, partikular dito ang mga bulubunduking lugar sa Leyte, Mindoro, Negros, at Samar na pinaniniwalaang mga lugar na pinagkakanlungan ng mga nalalabing kasapi ng communist terrorist group.
Idineklara nila itong areas of heightened concern at target ng focus military operation ng militar para masimot ang mga nalalabing kasapi ng CPP-NPA.
Magugunitang una nang nagbabala ang US Embassy sa Maynila sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas, na huwag makipag-ugnayan sa mga militanteng organisasyon na may kawing sa CPP-NPA.
Ito ay dahil kamakailan lamang, may mga naitalang engkwentro sa naturang mga lugar at may mga namatay na sinasabing US Citizens bukod pa sa isang nadakip malapit mismo sa encounter site kung saan isang military officer ang napaslang.
Sa abiso na inilabas ng embahada, ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng Estados Unidos at maging ng Pilipinas at sinoman ay maaaring hulihin at makulong kung mapatutunayang pakikipagsabwatan sa komunistang kilusan.
Paalala ng embahada, ang sinomang American national na mapalapit o maiugnay sa grupo ay maaaring maharap sa panganib tulad ng pag-aresto, pagkasugat, o pagkamatay.
Ayon sa US Embassy, may mga insidente ng recruitment sa Pilipinas at hinihikayat ang mga dayuhan na sumali habang ang iba naman ay hinihingan ng pinansyal na suporta para sa mga armadong grupo.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga banyaga mula sa naturang bansa na umiwas sa anomang kahina-hinalang aktibidad at agad umalis sa lugar kapag may nakasalamuha na armadong indibidwal na hindi bahagi ng mga awtoridad.
(JESSE RUIZ)
53 