OCTA: INFLATION, WAGE HIKE TOP CONCERN NG PINOY

NANGUNGUNA ang inflation at umento sa sahod sa mga pangunahing alalahanin ng mga Pilipino bago pa ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ito ang lumabas sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25 at inilabas nitong Biyernes.

Batay sa survey, 45% ng mga Pilipino ang tumukoy sa inflation bilang “top urgent national concern,” sinundan ng wage increase (33%), graft and corruption (26%), at access sa abot-kayang pagkain tulad ng bigas, gulay at karne (24%).

Kabilang din sa mga alalahanin ang pagbabawas ng kahirapan (20%) at libreng dekalidad na edukasyon (17%).

Ayon sa OCTA Research, ang resulta ay sumasalamin sa kalagayan ng mga sambahayan bago pa maramdaman ang mas malawak na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

“The March 2026 results may be best understood as a pre-shock baseline—capturing public sentiment before higher fuel, transport, and food costs began exerting broader pressure on household welfare, purchasing power, and food security,” ayon sa OCTA.

Idinagdag pa nito na malaganap ang pag-aalala sa inflation sa iba’t ibang rehiyon at antas ng kita.

Pinakamataas ang concern sa Visayas (54%) at Mindanao (51%), habang sa socioeconomic classes, pinakamataas ito sa Class E (56%) at Class ABC (54%), kumpara sa Class D (41%).

Sa hiwalay na forecast, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring pumalo sa 5.6% hanggang 6.4% ang inflation ngayong buwan—mas mataas sa 4.1% na naitala noong Marso at lampas sa target na 2% hanggang 4% ng pamahalaan.

Samantala, nananatiling kalusugan ang pangunahing personal na alalahanin ng 67% ng mga Pilipino, kasunod ang sapat na pagkain (46%), maayos na trabaho o kita (42%), kakayahang makapag-ipon (41%), at edukasyon (39%).

Ang survey ay isinagawa sa 1,200 respondents na edad 18 pataas gamit ang face-to-face interviews, may ±3% margin of error at 95% confidence level.

(CHRISTIAN DALE)

51

Related posts

Leave a Comment