RESPONSABLE SA MAHALAY NA MODULE KINASUHAN NA

KINASUHAN na ang umano’y sumulat ng mahalay at bastos na self-learning module (SLM) sa Mabalacat, Pampanga.

Ito ang ini-report ni Department of Education (DepEd) Region 3 Director May Eclar sa pagharap nito sa House Committee on Public Accounts na nag-iimbestiga sa mali-maling modules.

Ayon kay Eclar, hindi lamang ang writer ng SLM ang kinasuhan kundi ang quality assurance team ng DepEd sa nasabing rehiyon at iba pang opisyales ng ahensya.

“A formal charge due to neglect of duty has been issued to the involved persons,” ayon kay Eclar.

Hindi nagbanggit ng pangalan ang opisyales kung sino-sino ang mga kinasuhan subalit umuusad na umano ang kaso at kumpyansa ito na may maparurusahan sa mga ito.

Magugunitang nadismaya ang mga miyembro ng nasabing committee matapos mabatid sa kanilang nakaraang mga pagdinig ang mali-maling modules na nakakaapekto umano sa mga kabataan.

Higit na ikinadismaya ng mga kongresista ang mahalay umanong SLM ng grade 10 students sa Mabalacat, Pampanga ukol sa paglalarawan sa isang “aswang”.

“Aswang – siya ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito ay tao na kumakain ng kapwa tao. Kung minsan ang mga ito ay pinaniniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakantot or maaaswang.”

Ang mga nabanggit na kataga ay bahagi ng SLM sa Mabalacat, Pampanga na labis na ikinadismaya ng mga kongresista kaya iginiit ng mga ito na hindi dapat palagpasin ng DepEd.

Ikinokonsidera na rin umano ng ahensya na patawan ng parusa ang iba pang author ng mali-maling modules.

Binuo ang SLM dahil sa distance learning na ipinatutupad ng DepEd bunsod ng pandemya sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

132

Related posts

Leave a Comment