PORMAL nang ipinakilala sa proklamasyon sa Club Filipino, Greenhills, San Juan City ang mga kandidato sa pagkasenador ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban.
Ipinakilala bilang “Duterte Senatorial Candidates,” isa-isang nagsalita sa entablado ang mga tumatakbong senador na kinabibilangan ni dating executive secretary Vic Rodriguez at kanilang sinabi ang kanilang mga plataporma at plano sakaling manalo sa 2025 midterm elections.
Sa kanyang pananalita, nanawagan si Atty. Rodriguez sa kanilang mga tagasuporta na protektahan ang 32 milyong Pilipino na bumoto kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng reklamong impeachment na kinakaharap nito.
“Ninanakaw na ang pera nating mga Pilipino. Nagbebenta ng 25 toneladang ginto, hindi sinasabi kung sino ang bumili at magkano ang pagbebenta nito. Pati pa naman ang posisyon ng Pangalawang Pangulo nanakawin pa rin ng Marcos administration?” pahayag ni Atty. Rodriguez na umani ng palakpakan mula sa mga tagasuporta.
