Kapag napatalsik si VP Sara DU30 FOR PRESIDENT ULIT SA 2028

(PRIMITIVO MAKILING)

MAPIPILITAN si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong muli sa pagkapangulo sa 2028 kapag napatalsik ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte at hindi na payagang pumasok pa muli sa pulitika.

Isiniwalat ito ni dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, lalo na’t hindi umano sakop ang matandang Duterte sa constitutional ban o nagbabawal na tumakbo muli ang nakaupong pangulo.

Ayon kay Alvarez, tanging ang mga incumbent president lang ang pinagbabawalang tumakbo kaya maaaring kumandidato ang dating pangulo sa 2028 presidential election kapag nahatulan ng guilty ang kanyang anak sa impeachment court.

Natapos ang termino ni dating Pangulong Duterte noong 2022 kaya hindi maituturing na reeleksyon ang pagtakbo nito sa 2028 kung sakali, ayon pa kay Alvarez.

Mistulang sineryoso naman ito ni La Union representative Paolo Ortega para magbantang tatakbo—hindi para manalo kundi siraan si Duterte at masigurong hindi ito makakabalik sa Palasyo ng Malacañan.

“Good luck po . . . puwede naman po . . . okay lang naman po iyon . . . puwede siyang tumakbo . . . baka ewan ko . . . baka lumaban din ako para i-oppose ang mga bad na pinaggagawa nila ngayon kahit di ako manalo,” ani Ortega sa press conference kahapon.

Nilinaw ng mambabatas na kahit sino ang puwedeng tumakbo na kuwalipikado, kasama na ang dating Pangulo, kung talagang papayagan siya ng Konstitusyon na muling bumalik sa Malacanan.

“Anyone can run, anyone can file for any position naman basta qualified po. At saka number one na criteria po, dapat Pilipino. Siguro susunod na criteria dapat mahal nila ang Pilipinas,” ayon pa sa kongresista.

Ginawa nito ang pahayag dahil sa koneksyon umano ni Duterte sa China na umaagaw ngayon sa malaking bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

71

Related posts

Leave a Comment