PUMIYOK si Presidential spokesperson Salvador Panelo na mayroong kawalan sa Pilipinas sa sandaling maibasura na ang Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos.
Ani Sec. Panelo, hindi masasabing walang mawawala sa Pilipinas kapag napawalang bisa na ang 21 taong kasunduan na nagsimula noong 1999.
Gayunpaman, binigyang diin ni Sec. Panelo na gaya lang sa mag-asawa na nagkahiwalay, makakaraos din sa huli ang isa’t isa at marahil aniya ay mas gumanda pa ang buhay.
Tiniyak naman ni Sec. Panelo na hindi na magbabago pa ang pasya ng Pangulong Duterte sa loob ng susunod na 1 daan at 78 araw na siyang itinakda upang ganap nang mabalewala ang nabanggit na kasunudan sa US.
Ang paninidigan ng Pangulo ani Sec. Panelo ay hindi lamang hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022 kundi habang siya’y nabubuhay. CHRISTIAN DALE
