RAPIDO ni PATRICK TULFO
MARAMING OFWs ang nakakikilala kay Mr. Joel Longares, ang pangulo ng Door-to-Door Consolidators Association of the Phils. (DDCAP), at may-ari ng LOGO Cargo na dating Atlas Cargo.
Ito ay dahil bago pa man umaksyon ang aming programa sa reklamo sa mga abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs, apat na taon na ang nakararaan ay tumutulong na ito sa problema.
Dito ko po nakilala at naging kaibigan si Boss Joel at nalaman sa kanya ang mga problemang kinahaharap ng industriya, lalo na ang gawain ng ilang cargo companies na paulit-ulit na inaabandona ang mga padala ng kanilang mga kliyente partikular na sa Middle East.
Ilang beses ko na pong napakiusapan si Mr. Longares hinggil sa delivery ng mga abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs.
At ang pinakahuli ay nang itulay ko ang Department of Migrant Workers dito upang tumulong sa delivery ng mga abandonadong balikbayan boxes mula sa Tag Cargo, dahil wala pong direktang linya ang ahensiya kina Mr. Longares.
Naging saksi po ang ating programa sa pag-uusap, kung saan nangako ang DMW na babayaran nila ang kumpanya ni Boss Joel para sa delivery ng mga kahon na umabot sa halos siyam na libong kahon, na ang destinasyon ay Luzon, Visayas at Mindanao.
Malaki po ang naging papel ng LOGO cargo sa paghahatid ng mga kahon na inabot na ng mahigit dalawang taon bago nasimulan ang delivery kaya marami na ang nasira sa padala ng ating mga kababayan OFWs.
At ngayon nga ay tapos na ang delivery at mayroon na lang mahigit na 400 na kahon na natira dahil hindi na makita ang mga may-ari nito.
Ngunit hindi pa rin nagbabayad ang Department of Migrant Workers (DMW) na pinangungunahan ni Sec. Hans Cacdac, ni isang kusing sa kumpanya ni sir Joel.
Ako po ay nahihiya dito dahil kami ang naging tulay sa ahensiya at sa kumpanya ni Mr. Longares upang mag-usap at magkasundo sa delivery ng mga nasabing kahon.
Kung tutuusin ay maliit lang ang mahigit na limang milyong pisong delivery charges na napagkasunduan ng DMW at LOGO cargo.
At sa bidding na isinagawa para rito ay ang LOGO ang nagsumite ng pinakamurang bid para sa delivery.
88 