LAPU-LAPU PROVINCE, NAPAPANAHON NA ITULAK NI AHONG CHAN SA KONGRESO

On the Level ni JUNEX DORONIO

NANANAWAGAN ang DISKARTE Para sa Pamilya at Bayan kay Lapu-Lapu City Rep. Junard “Ahong” Chan na muling buhayin ang panukala para sa paglikha ng Mactan Province o ‘di kaya ay Lapu-Lapu Province —isang usaping matagal nang pinag-uusapan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang nakararating sa katuparan.

Hindi ito bagong ideya. Noong 2022, si Chan, na noo’y mayor ng Lapu-Lapu City, ay nagpahayag ng suporta sa pagtatatag ng hiwalay na Mactan Province na maaaring binubuo ng Lapu-Lapu City at Cordova, kasama ang mga kaugnay na Isla tulad ng Olango.

Ang argumento noon: maaaring magkaroon ng sariling gobernador, hiwalay na badyet at mas nakatutok na pamamahala para sa mabilis na pag-unlad ng Isla ng Mactan.

Kaya lang mahigpit itong tinutulan ng noo’y Cebu Governor Gwen Garcia.

Ngayon, bilang kinatawan ng Lone District ng Lapu-Lapu City, nasa mas magandang posisyon si Chan upang muling dalhin ang usapin sa Kongreso.

Siguro ay hindi naman tututol nang mahigpit ang kasalukuyang Cebu Gov. Pam Baricuatro.

Para sa DISKARTE, isang people’s organization na ang adbokasiya ay para sa kapakanan ng mga kabataan, senior citizens, freelancers at solo parents, mas angkop ang Lapu-Lapu Province bilang parangal sa kauna-unahan nating bayani na lumaban at tumalo sa mga dayuhang mananakop.

Kung merong Quezon province, bakit hindi magkaroon ng Lapu-Lapu province?

At hindi dapat tingnan ang panukalang ito bilang simpleng usapin ng paghahati ng teritoryo o paglikha ng panibagong mga posisyon sa gobyerno.

Ayon sa DISKARTE, ang dapat pag-usapan ay ano ang konkretong pakinabang nito sa mga ordinaryong residente ng Isla ng Mactan, mga bayan ng Cordova at Olango.

Sa ngayon ang Isla ng Mactan ay isa sa pinakamahalagang economic at tourism centers ng Region 7.

Narito ang Mactan-Cebu International Airport (MCIA), mga economic zone, tourism establishments, hotels, resorts at napakaraming maliliit na negosyo.

Samantala, ang Lapu-Lapu City at ang Bayan ng Cordova ay konektado rin sa mainland Cebu sa pamamagitan ng mga tulay, kabilang ang Cebu-Cordova Link Expressway.

Ngunit kasabay ng pag-unlad ay ang mga hamon: trapiko, pabahay, trabaho, imprastraktura, waste management, disaster preparedness, serbisyong pangkalusugan at suporta sa maliliit na negosyante.

Kung magkakaroon ng sariling provincial government ang Mactan, ang tanong ay kung mas magiging mabilis at mas direktang matutugunan ang mga pangangailangang ito.

Iyan ang dapat pag-aralan. Hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang mga lehitimong tanong tungkol sa financial viability, epekto sa katapat na Cebu Province at requirements sa ilalim ng batas.

Ang paglikha ng bagong lalawigan ay hindi simpleng pagpapalit ng pangalan sa mapa.

Kailangan nito ng pag-aaral, batas at, sa huli, plebisito ng mga botanteng maaapektuhan.

Kaya ang panawagan ng DISKARTE kay Rep. Ahong Chan ay simple:

Buhayin ang diskusyon. Magkaroon ng bagong feasibility study. I-update ang population, income, infrastructure at economic data.

Kumonsulta sa mga residente ng Lapu-Lapu City, Cordova, Olango at iba pang maaapektuhang komunidad.

At higit sa lahat, ipaliwanag sa mga tao kung ano ang makukuha nila—hindi lamang kung ano ang makukuha ng mga opisyal.

Ang Lapu-Lapu Province ay dapat maging usapin ng serbisyo, oportunidad at development, hindi usapin ng political advantage lalo ng mga korap na politiko at political dynasties.

Kung mapatutunayang makabubuti ito sa mga residente at pasado sa lahat ng legal requirements, hayaan nating ang mamamayan ang magpasya sa plebisito.

Sa DISKARTE, ang prinsipyo ay malinaw: Ang gobyerno ay dapat ilapit sa tao, at ang pag-unlad ay dapat maramdaman ng pamilya, manggagawa, negosyante, kabataan, senior citizen at bawat residenteng bumubuhay sa ekonomiya ng Isla ng Mactan.

Rep. Ahong Chan, panahon na sigurong muling buksan ang usapin.

Lapu-Lapu Province—pag-aralan, pag-usapan, at kung makabubuti sa mamamayan, isulong hanggang sa maging batas at maisakatuparan.

77

Related posts

Leave a Comment