FOR DESTRUCTION PERO FOR SALE PALA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUH! Akala natin kapag sinabi mong for destruction, diretso na sa wasakan. Hindi pala. Anlagay eh, parang may detour muna papunta sa bentahan.

Matapos kasi ang ulat tungkol sa umano’y bentahan ng mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo noong Agosto, aba, may sumulpot na bagong eksena. Nasabat ng NBI ang 10 hanggang 15 toneladang smuggled frozen chicken meat sa isang rendering facility sa Sta. Maria, Bulacan. Nagpanggap umanong buyer ang mga operatiba kaya nahuli ang isang babae sa pagbebenta ng produktong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7 milyon.

Ang mas nakakikilabot sa kuwento, ayon sa NBI, may inilabas umanong tatlong container van na naglalaman ng produktong galing sa Bureau of Customs sa Subic at dapat sana ay for destruction. Sabi pa raw ng babaeng kanilang kausap, kung hindi pa sapat ang 10 hanggang 15 tonelada, may 81 tonelada pa umanong balak ilabas.

Sandali lang. Kung for destruction ang label, bakit nakarating sa puntong for sale ang produkto? Hindi ba dapat ang ruta nito ay Customs → disposal → tapos na ang kuwento? Bakit may bentahan pa?

Dito dapat magpaliwanag ang mga kinauukulan. Hindi para manghula kung sino ang may sala, kundi para malinaw na malaman ng publiko kung saan pumalya ang proseso. Sino ang nagbantay? Sino ang nag-release?

Ano ang dokumentasyon? At higit sa lahat, paano nakalabas ang mga produktong dapat nang mawala sa merkado?

Hindi rin pwedeng balewalain ang usapin dahil pagkain ang sangkot. May usapin dito ng kaligtasan ng mamimili at tiwala ng publiko sa sistema ng customs enforcement.

Kaya, Commissioner Ariel Nepomuceno, baka kailangan nang silipin hindi lang ang mga nahuhuli kundi pati ang buong biyahe ng mga kontrabandong dapat nang wasakin. Dahil kung for destruction ngayon pero for sale bukas, aba’y problema ‘yan.

Sabi nga, one black eye, pwedeng aksidente. Pero kapag naulit, panahon nang hanapin kung saan talaga pumapalya ang sistema.

75

Related posts

Leave a Comment