NAGHAIN ang Bureau of Customs (BOC) ng anim na reklamong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa 14 na indibidwal, kabilang ang ilang tauhan ng Aduana, kaugnay ng pagkakasabat sa P17.5 milyong halaga ng misdeclared agricultural products.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, kabilang sa mga sinampahan ng reklamo ang may-ari ng Berches Consumer Goods Trading, mga kinatawan ng importer at iba pang indibidwal.
Kasama rin sa mga inireklamo ang siyam na kawani ng BOC, kabilang ang mga examiner, appraiser at isang intelligence agent na umano’y nag-apruba o nagpabaya sa inspeksyon ng mga kargamento.
Sinabi ni Nepomuceno na nagsisilbing babala ang paghahain ng mga kaso sa mga sangkot sa smuggling at katiwalian sa loob ng ahensya, at tiniyak na papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
May kaugnayan ang mga reklamo sa anim na shipments na idineklarang “chicken lollipops” ngunit natuklasang naglalaman ng libu-libong sako ng sibuyas at mga kahon ng imported carrots na walang kaukulang regulatory clearance.
Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ang mahigit 15,000 sako ng fresh white onions at 2,164 kahon ng fresh carrots.
Ayon kay Nepomuceno, tinatayang P17.5 milyon ang halaga ng mga agricultural products na sinubukang ipasok sa bansa nang walang kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Isa sa mga isinampang reklamo ay kaugnay ng paglabag sa Section 1401, in relation to Sections 1400 at 117 ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na patuloy na papanagutin ng BOC hindi lamang ang mga smugglers kundi maging ang mga opisyal at empleyado ng ahensya na mapatutunayang sangkot sa ilegal na gawain.
(JESSE RUIZ)
72 