TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) Quezon City na handa na ito para sa nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026, kahit may mga usapin hinggil sa posibilidad ng pagpapaliban nito.
Ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo, Election Officer IV ng QC Comelec, nakahanda ang kanilang tanggapan sa anomang magiging desisyon kaugnay ng halalan.
“Naghahanda ang Comelec para sa BSKE. Kung ano ang batas ay ipatutupad namin. Handa na kami at kung may postponement ay handa rin kami para dito,” ani Fajardo.
Sa QC Journalist Forum nitong Martes, Setyembre 22, sinabi ni Fajardo na nakikipag-ugnayan na rin ang Comelec sa Department of Education (DepEd) para sa paghahanda ng mga silid-aralan na gagamitin bilang polling precincts.
Ayon sa Comelec, magsisimula sa Setyembre 28 ang filing of candidacy at tatagal ito hanggang Oktubre 5.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Fajardo sa dahilan ng mga naunang pagpapaliban sa BSKE.
Sinabi rin ng Comelec na nakatakda ang campaign period mula Oktubre 22 hanggang 31 at hinikayat ang mga kandidato na sundin ang lahat ng election requirements at regulasyon ng poll body.
Samantala, iniulat ni Police Major Jennifer Gannaban, PIO ng Quezon City Police District (QCPD), na mahigit 1,000 pulis ang ide-deploy sa panahon ng halalan.
Magpapatupad din ang QCPD ng mga checkpoint kaugnay ng gun ban at liquor ban para sa BSKE.
Ayon kay Gannaban, makikipagtulungan din sa QCPD ang mga force multiplier mula sa iba’t ibang tanggapan ng Quezon City, kabilang ang QC Traffic and Transport Management Department (QCTTMD), Department of Order and Safety (DPOS) at mga barangay upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng halalan.
Sinabi naman ni QCTTMD Chief Dexter Cardenas na magpapatupad sila ng rerouting sa mga lugar na malapit sa polling sites upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
(PAOLO SANTOS)
112 