NA-BLOCK ng National Telecommunications Commission (NTC), sa koordinasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang dalawang websites na sinasabing may kaugnayan sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, nagbigay ng direktiba ang NTC sa mga Internet Service Provider (ISP) para harangin ang access sa dalawang websites.
Sinabi ni Co na nagpo-promote umano ang mga naturang website ng online violence.
Hindi na tinukoy ng PNP ang pangalan ng mga website upang hindi umano lalo itong maging interesado sa publiko, partikular sa mga kabataan.
Tiniyak naman ng Pambansang Pulisya na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang websites na maaaring naghihikayat o nag-uudyok ng kaparehong uri ng karahasan.
(TOTO NABAJA)
59 