PINABUBUO ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Transportation (DOTr) ang isang malinaw at strategic na roadmap para sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Hinimok din ng Senate leader ang ahensya na tiyaking nakumpleto muna ang mga pangunahing hakbang, kabilang ang route rationalization, upang maging maayos at sustainable ang pagpapatupad ng programa.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DOTr at mga attached agencies nito, nagpahayag ng pagkabahala si Gatchalian sa mabagal na pagkumpleto ng route rationalization studies na sinimulan pa noong nakaraang administrasyon ngunit hindi pa rin natatapos.
Iminungkahi ni Gatchalian na unahin ang mga highly urbanized areas kung saan mataas ang pangangailangan sa public transportation at mas matindi ang traffic congestion.
“Kailangan strategic tayo sa approach natin. Sayang naman ang programang ito,” pahayag ni Gatchalian.
“Allocate tayo nang allocate ng pera tapos hindi naman natatapos ‘yung proyekto. Naabutan na tayo ng mataas na presyo ng langis. Mahihirapan na silang magbayad ng amortization nila,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, nasa ₱891 milyon pa ang equity subsidies na hindi naipamamahagi.
Sumang-ayon naman si Transportation Secretary Giovannie Lopez kay Gatchalian at sinabing maaaring mas mahirapan ang mga operator at driver na bayaran ang kanilang amortization dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Binigyang-diin din ni Lopez ang pangangailangang ipagpatuloy ang PUV modernization program.
(DANG SAMSON-GARCIA)
51 