RORO UMUSOK HABANG NAGLALAYAG SA BATANGAS

BIGLANG umusok ang isang RoRo vessel habang naglalayag sa karagatan ng Tingloy, Batangas noong Linggo ng gabi.

Nabatid mula sa ulat ng Philippine Coast Guard, dakong alas-10:43 ng gabi nang i-report ang insidente, nasa humigit-kumulang 1.8 nautical miles mula sa Balahibong Manok, Tingloy.

Biyaheng Batangas Port patungong Abra de Ilog ang barko, na may sakay na 30 crew members at 16 oil tanker trucks.

Wala namang iniulat na nasaktan at agad nakontrol ang pagbuga ng usok sa pamamagitan ng emergency procedures ng barko.

Batay sa pahayag ng ship master, umapaw ang service tank ng main engine at tumagas ang diesel fuel sa breather pipe, na nagresulta sa makapal na itim na usok.

Hinila na ng company tugboat ang barko at ligtas itong nakarating sa Batangas Port dakong alas-5 ng madaling araw noong Lunes.

Isasailalim sa karagdagang inspeksyon at pagkukumpuni ang barko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PCG.

(NILOU DEL CARMEN)

70

Related posts

Leave a Comment