SIMULA pa lamang ng tayo ay magsulat ng ating kolum na AKO OFW ay puro paghingi ng tulong, sumbong at pagsaklolo ang ating naisulat.
Sa halos dalawang taon na ito, ay hindi pa natin lubusang nabibigyan ng pagpupugay ang mga taong naging daan para matugunan ang mga sumbong ng ating mga kabayani at maging ng pamilya ng ating mga kabayani.
Kaya sa araw na ito ay atin munang babalikan ang ilan sa mga sumbong at paghingi ng tulong na atin nang nabigyan ng aksyon sa tulong ng mga opisyal ng ating pamahalaan lalong lalo na ang
ating masisipag na mga Overseas Workers Welfare Administration Welfare Officers.
Una na rito ay ang isa sa pinakabagong sumbong na aking nilathala noong May 10, 2021 na may titulong “OFW sa Jeddah biktima ng pambabastos ng kanyang Amo.” Ito ay ang sumbong ni OFW Sara Polo na kung saan ang kanyang manyakis na amo ay nagparaos sa pamamagitan ng kanyang “sariling sikap” sa harap mismo ni OFW Sara Polo. Matapos na hindi makaraos ay kanya nang sinunggaban si OFW Sara.
Agad natin itong ipinarating kay Welfare Officer Racquel Kunting at kay OWWA Overseas Operations Director Connie Marquez na agad naman nagbigay ng saklolo at nakipag-ugnayan sa Saudi Recruitment Agency.
Sa pinakahuling mensahe na aking natangap mula kay OWWA OOCS Director Connie Marquez ay nakauwi na sa ating bansa si OFW Sara noong May 19 lulan ng eroplanong Emirate EK 2804.
Samantala ang isa pang kaso na ating inilathala noong Mayo 5, 2021 na may titulong “Ulo ng OFW na napanot dahil sa pagsabunot ng amo” na kung saan si OFW Norhanie Gani ay nagsumbong na diumano ay lagi siyang sinasabunutan ng kanyang among babae na sa kanyang palagay ay naging dahilan ng pagkapanot ng kanyang ulo ayon sa larawan na kanyang ipinadala.
Mabilis natin naipadala ang sumbong na ito kay Riyadh Welfare Officer Racquel Kunting na maagap na kumilos at nakipag-ugnayan agad kay Labor Attache Fidel Macauyag .
Matapos na tayo ay humingi ng saklolo kay Labor Attachel Macauyag at Welfare Officer Kunting ay agad itong kumilos at sinaklolohan si OFW Norhanie Gani at nadala agad sa opisina ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Sa simula ay nagmatigas ng husto ang amo ni OFW Gani at ayaw bayaran ang kakulangan sa sweldo nito, ngunit nanindigan ang ating POLO-OWWA at nakipagtulungan din ang ahenya nito kung kaya napilitan ang amo nito na bayaran ang kanyang sweldo.
Pansamantala ay pinapangalagaan ng kanyang ahensya sa Saudi Arabia si OFW Gani habang naghihintay pa ng kanyang exit visa para makauwi na sa Pilipinas.
Ang pinakahuli sa ating inihingi ng tulong mula sa bansang Kuwait ay ang pagpapauwi sa bangkay ni OFW Gretchen Sabanate na diumano ay nagpatiwakal. Ang kanyang pamilya ay nanawagan sa AKOOFW sa pamamagitan ni Tupi Municipal Councilor Mao Yabut upang matulungan na mapauwi sa lalong madaling panahon ang kanyang bangkay.
Agad tayong nakipag-ugnayan kay Welfare Officer Atty Lhyn Perez . Sa tulong ni Philippine Ambassador Mohamad Noodin Lomondot at Labor Attache Nasser Mustafa ay maiuuwi na ang bangkay nito sa May 23, 2021.
Ang buong pamahalaan ng Tupi, South Cotabato ay nagkaloob din ng tulong at sila mismo ang punong abala sa pagsalubong ng kanilang kababayan na si OFW Gretchen Sabanate.
Ang AKO OFW ay labis-labis na nagpapasalamat sa mga opisyales ng OWWA at ng Philippine Embassies sa Kuwait at Saudi Arabia sa kanilang walang kapagurang pagtulong at pagmamalasakit sa ating mga kabayaning OFW.
Ang ating mga opisyales ay maituturing din nating mga Bagong Bayani.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
343 