UMABOT na sa 31 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at mga nagdaang bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules, Agosto 26.
Iniulat ng OCD na bukod sa 31 nasawi, 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala dahil sa mga naranasang sama ng panahon.
Naitala sa Benguet ang pinakamataas na bilang ng fatalities na umabot sa 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok, na pawang nasawi dahil sa landslide.
Nakapagtala naman ng tig-apat na nasawi sa Rizal at Batangas.
Sa Rizal, dalawa ang nasawi dahil sa rockslide sa Rodriguez, habang may tig-isang namatay dahil sa bumagsak na puno sa Antipolo at pagkalunod sa Binangonan.
Sa Batangas naman, may isang nasawi dahil sa pagkalunod sa Batangas City at isa sa Mabini, habang may isa namang namatay dahil sa pagkakuryente sa Lipa at isa dahil sa landslide sa Santa Teresita.
Mayroon ding naitalang nasawi sa Occidental Mindoro na dalawa at tig-isa sa La Union at Quezon.
(JESSE RUIZ)
45 