DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI na ako nagulat sa survey ng Social Weather Station (SWS) na 61 percent sa pamilyang Pilipino ay nagugutom at naghihirap dahil maging ang middle class ay ramdam na ramdam na rin ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kung umaaray na ang middle class o yung may regular na income na kahit papaano ay malaki-laki, paano na lamang ‘yung mga may regular na trabaho na karamihan ay marami ang mga anak na pinapakain araw-araw?
Dati malaki-laki ang eco bag na dinadala ng mga tao kapag sila ay namamalengke, ngayon ay paliit na nang paliit dahil halos wala nang mabili sa kanilang kakarampot na budget sa pagkain pa lamang.
Hindi exempted dyan ang middle-class kaya naghihigpit na rin sila ng sinturon dahil paliit nang paliit na ang halaga ng kanilang pera habang tumataas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain.
Marami na rin sa middle class ang nagko-commute na rin dahil pamahal nang pamahal ang mga produktong petrolyo at iwas stress din dahil patindi pa rin nang patindi ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Kung ramdam na ramdam na ng middle class ang hirap, hindi na talaga nakagugulat na mahigit kalahati sa populasyon ng Pilipinas ay nakararanas ng gutom at kahirapan at walang dapat sisihin dito kundi ang gobyerno mismo.
Pinangangakuan tayo ng mga inihalal nating mga lider lalo ang pangulo, ng maayos na buhay kapag sila ay nangangampanya at nakukumbinsi naman nila kayo kaya niyo sila iniluklok sa puwesto.
Pero kapag nakaupo na, hindi na natutupad ang pangako. Bakit? Dahil ‘yung pangako ay ipinagagawa niya sa ibang tao na walang idea kung ano ang kalagayan ng mahihirap sa ibaba dahil mula siya sa upper class.
Meron ba kayong kilala na mga miyembro ng Gabinete na mahirap? Puro sila mayayaman at negosyante o kaya konektado sa mga malalaking kumpanya kaya hindi nila alam ang kalagayan ng mga tao sa laylayan ng lipunan.
Idagdag mo pa riyan ang kanilang mga staff, organic man o appointees na hindi naman talaga bumababa sa ground kundi nakababad sa loob ng kanilang de-aircon na opisina at puro estatistika lamang ang alam.
Karamihan sa mga kausap ng mga ‘yan ay mga negosyante na tumatarget sa mga proyekto sa kanilang ahensya at hindi ang mga ordinaryong tao na kanilang pinagsisilbihan kaya hindi nila maunawaan ang mahihirap.
Dahil diyan, wala silang pakialam kung tumataas ang presyo ng mga bilihin at magutom ang mga tao lalo na kung ang mga kausap nila ay galante sa kanila, na naging dahilan para makalimutan nila ang kanilang tungkulin sa mamamayan.
