BISTADOR ni RUDY SIM
IMBES na Pinoy pride ang salubong, naging “sinungaling” pa ang hatol ng mga katropa natin sa Ozamiz City at iba pang mga listong social media users sa isang mang-aawit na nagbalikbayan kamakailan matapos ang pagkapanalo sa “The Voice USA”.
Oo, si Sofronio Vasquez III ang tinutukoy natin dito, pero dapat ata lagi nating ikabit ang PAROJINOG na apelyido ng kanyang ina tuwing binabanggit ang kanyang pangalan. Bakit kamo? Dahil parang pati si Sofronio Parojinog Vasquez ay nakalimot na sa kanyang pinanggalingan, o baka naman ang buhat na kahihiyan ay nais niyang pagtakpan? Ano man ang dahilan, ang sagot ay hindi dapat kasinungalingan!
Kung pamilyar ang pangalang PAROJINOG, marahil ay katulad niyo akong mulat na noong sunod-sunod ang balita ng paghahasik ng lagim ni Ongkoy Parojinog, mga anak at kagrupo niya sa sikat na sindikatong KURATONG BALELENG.
Si “Ongkoy” Parojinog Sr. mismo ay lolo nitong si Sofronio mula sa pamilya ng kanyang inang si Aida Parojinog. Kapatid ni Mommy Aida si dating Mayor Reynaldo Parojinog Sr., isa sa mga nangungunang pangalan sa narco-list ni Tatay Digong noong 2016. Nauwi sa isang madugong engkwentro ito noong 2017 nang subukang maghain ng arrest warrant ang PNP sa mga kabahayang pag-aari ng mga Parojinog, kung saan isa si Reynaldo sa mga napatay.
Panghabambuhay na pagkakulong naman ang hinaharap ng isang pinsan ni Sofronio Parojinog Vasquez III — si dating Vice Mayor Nova Princess Parojinog, na kalaboso rin dahil sa ilegal na droga.
Ayon naman sa mga dokumentong nakalap natin mula sa PNP Ozamiz, maging ang namayapang ama ni Sofronio, si Sofronio Vasquez Sr., o alyas “Onyol”, ay dawit din bilang kakampi ng kilabot na Ozamiz Group. Sumikat ang sindikatong ito dahil sa organized crime, kabilang na ang robbery at hold-up, carnapping, illegal drugs, gun smuggling, at iba pa.
Ang lumalabas ngayon ay hindi lang isang panig ng pamilya ni Sofronio Parojinog Vasquez III ang dawit sa mundo ng krimen at mga sindikato, pareho pala!
Kaya naman pala ganoon na lamang ang pagpapanggap at pagtatakip ni Sofronio Parojinog Vasquez III sa kanyang family background noong siya’y na-interview ng Vogue, matapos ang kanyang pagkapanalo sa “The Voice Season 26” sa Tate.
At sa pagbaluktot ng kwento ng kanyang pinanggalingan ay mukhang hindi na nagpigil itong si Sofronio Parojinog — aba, lumaki raw ang mang-aawit sa “squatter’s area” kuno, nangangamba sa biglang paggiba sa kanilang tirahan.
Siyempre, hindi nakalusot ang paandar na ito sa mga katropa natin sa Ozamiz at sa social media. Marami ang agad umalma: “Matagal nang hari-harian ‘yang mga Parojinog. Kanya-kanyang pwesto pa sa gobyerno ang mga ‘yan. Paanong lumaki sa squatter’s area?” Pati pala ‘tong si Sofronio Parojinog, nagsilbi na bilang city councilor dahil naluklok bilang SK Federation president. Laki sa hirap, who?
Siguro dahil sa kahihiyan — isinusumpa na raw ngayon ng mga taga-Ozamiz City ang mga Parojinog dahil sa karahasan, krimen, at kahihiyan na dinala nito sa lungsod — naisipan nitong si Sofronio Parojinog Vasquez III na mag-imbento ng bagong family background. At siyempre, sino bang makatatanggi sa appeal ng isang kwento ng Pinoy na nagtagumpay mula sa kahirapan?
Effective naman, at maging ang ating Pangulo at First Lady ay inimbitahan ang mang-aawit sa Palasyo kamakailan.
Ang nakapanghihinayang lang, ang tamis ng panalo ni Sofronio Parojinog ngayon ay nahaluan ng pait ng kanyang nakaraan, dahil mismo sa kanyang pilit na pagtatakip sa mga pagkakamali ng kanyang angkan. Masarap na sanang pakinggan, pero sintunado sa katotohanan.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
