PNP IIMBESTIGAHAN SA DRUG OPS MULA 2016

IKAKASA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police-wide investigation na may kinalaman sa pagkumpiska ng ilegal na droga na sisimulan nito sa taong 2016 hanggang 2022 matapos sampahan ng criminal charges ang nasa 30 pulis.

Ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla ay matapos na ipag-utos ng Department of Justice (DoJ) ang paghahain ng criminal charges laban sa 30 pulis na may kaugnayan sa pagkumpiska ng mahigit sa 900 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion sa serye ng anti-drug operations sa Maynila.

”Yes, we will go back to 2016 all the way down to 2022… it is our theory, but not proven, na dahil sa reward system na ginawa na instituted by the PNP when 2016 started, ang drug haul ay di nirereport at dahil may reward, kukuha sila ng tingi ilalagay doon, may reward, may accomplishment,” ang paliwanag ng Kalihim.

”So doon nagkaroon ng bodega, kuha, arrest, reward, promotion… parang naging ganoon ang naging sistema nila,” dagdag na wika nito.

Matatandaang nagsimula ang madugong kampanya ng dating administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga noong 2016, dahilan ng pagkasawi ng libo-libo katao. Iniuugnay ito sa paglabag sa karapatang-pantao at pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang awtoridad.

Sa joint resolution nito, isang panel ng mga prosecutor ang naghain ng reklamo laban sa mga pulis kabilang na ang dalawang high ranking police generals, para sa paglabag sa Republic Act (RA) 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular na ang pagtatanim ng ebidensiya sa ilalim ng Section 29 at ang pagkakaantala at hindi tamang prosekusyon at pag-uusig ng drug cases sa ilalim ng Seksyon 92.

Ang kaso ay sumentro sa dinismis na si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na inaresto matapos kumpiskahin ng mga awtoridad ang 990 kilograms ng pinaghihinalaang shabu na may estimated value na mahigit sa P6.7 billion sa isinagawang drug operations sa Maynila.

Si Mayo, nagsilbi bilang intelligence officer para sa PNP Drug Enforcement Group, base sa police records ay dinismis noong Marso 21, 2023, ay may mahigit sa tatlong bilang ng grave misconduct at conduct unbecoming ng isang pulis.

”Unang-una, gusto naming baguhin ang PNP Reform Law kasi ang lumalabas dito, ‘yung mga involved sa… ‘yung officers involved ay walang specialty sa ginagawa nila. Obviously Major General Domingo, Major General Santos were not duly informed or not specialized in drug cases so it seems na nagkamali sila sa decision-making,” ayon kay Remulla. (CHRISTIAN DALE)

63

Related posts

Leave a Comment