SA pagpapatuloy ng retrieval operations sa collapse site sa Brgy. Balibago, Angeles City sa ilalim ng Unified Command, dalawang magkasunod pang bangkay ang narekober noong Lunes ng gabi at madaling araw nitong Martes.
Bandang alas-12:02 ng madaling araw ng Hunyo 9, 2026, ang ika-30 biktima ay natagpuan sa Quadrant 1 ng operasyon. Matapos ang maingat at sistematikong retrieval efforts, ito ay na-recover dakong alas-12:16 ng madaling araw at agad na isinailalim sa tamang proseso ng turnover sa Angeles City Health Office (CHO) at Management of the Dead and Missing (MDM) Team.
Samantala, ayon sa ulat ng Unified Command kay Responsible Officer (RO) Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, natagpuan ang ika-29 biktima sa Quadrant 3 ng collapse site.
Lunes ng gabi nang matagpuan ang biktima, at ito ay na-recover ng mga responder bandang alas-9:37 ng gabi at agad itong nai-turnover sa Angeles City Health Office (CHO) at Management of the Dead and Missing (MDM) Team para sa kaukulang proseso at pagkakakilanlan.
Patuloy ang retrieval and recovery operations sa ilalim ng Unified Command habang isinasagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang nang may paggalang, dignidad, at pagsunod sa itinakdang proseso.
Nagpapatuloy rin ang deployment ng Philippine Coast Guard (PCG) personnel kasama ang dalawang K9 dogs sa collapse site sa Brgy. Balibago, Angeles City bilang suporta sa nagpapatuloy na retrieval and recovery operations.
Sa pangunguna ng Unified Command, patuloy na ginagamit ang specialized capabilities ng K9 teams upang tumulong sa assessment at search efforts sa mga lugar na patuloy na nililinis at sinusuri sa Ground Zero.
Nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles at si Responsible Officer (RO) Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II sa Philippine Coast Guard at sa kanilang K9 handlers sa kanilang dedikasyon, propesyonalismo, at patuloy na pakikiisa sa pagtulong.
(ELOISA SILVERIO)
43 