QUEZON – Arestado ang isang nagpanggap na abogado ng Department of Justice at isang kasama nito, sa entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang mga arestado na sina Trevor Medrano Camaligan, 35, at Robin Escamillas Arconado, 26, habang nakatakas naman ang isa pang kasama ng mga ito na si Michelle Delos Santos Obis, pawang mga residente ng Barangay Tumbaga 1, Sariaya.
Ayon sa report, tinangka ng mga suspek na kikilan ang isang umano’y nasa drug watchlist ng PDEA.
Napag-alaman, noong Linggo nang kontakin ng mga suspek ang mag-asawang sina May Bautista Obis at Sherwin Cesario Obis para tulungan umano ang mga ito na matanggal ang pangalan ng lalaki sa PDEA watchlist kapalit ng mahigit P15,000 cash.
Ayon kay Michelle, may standing warrant of arrest na si Sherwin ngunit kaya nila itong ipatanggal sa pamamagitan ng nagpakilalang abogado ng DOJ na si Camaligan.
Ngunit nagsumbong ang mag-asawa sa Sariaya Police na agad namang nagkasa ng entrapment operation sa isang fastfood restaurant sa Sariaya kung saan inaresto ang mga suspek makaraang tanggapin ang marked money.
Nakatakas naman si Michelle na agad sumakay sa kotse nang matunugan na may mga awtoridad sa transaksyon. (NILOU DEL CARMEN)
209 