Kinilala papel ng mga CPA sa transparency PAGPASA NG RIGHT TO INFORMATION ACT DINIINAN NG HOUSE SPEAKER

ITINAMPOK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagpasa ng House of Representatives sa panukalang Right to Information (RTI) Act at sinabi na ito ay patunay ng paninindigan ng Kamara para sa transparency, accountability, at responsableng pamamahala.

Sa mensaheng inihatid ni Isabela 6th District Board Member Amador Gaffud Jr. sa induction ceremony ng Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA)-Isabela Chapter, sinabi ni Dy na mahalaga ang papel ng mga accountant sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa mga institusyon.

Ayon kay Dy, ang mga accountant ay hindi lamang mahusay sa numero kundi nagsisilbi ring tagapagbantay ng integridad ng mga pampubliko at pribadong institusyon.

Sinabi rin niya na bago nagtapos ang Unang Regular na Sesyon ng Kongreso ay inaprubahan ng Kamara ang matagal nang hinihintay na RTI Act at ang eBayad Act bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency at modernisasyon ng mga serbisyo ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Dy na ang mabuting pamamahala ay nasusukat hindi sa laki ng ginagastos ng pamahalaan kundi sa maayos, malinaw, at may pananagutang paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon pa sa Speaker, bagama’t binabago ng artificial intelligence, automation, at digital finance ang propesyon ng accounting, nananatiling integridad ang pinakamahalagang puhunan ng bawat accountant.

Sinabi rin ni Dy na sa nalalapit na Ikalawang Regular na Sesyon ng Kongreso ay ipagpapatuloy ng Kamara ang pagsusulong ng mga repormang magpapadali sa pagnenegosyo, magpapabilis sa digital transformation ng pamahalaan, at magpapalakas sa transparency at fiscal accountability.

Iginiit niya na magiging mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga propesyunal, kabilang ang mga accountant at ang PICPA, upang maisulong ang mga batas na praktikal, makabago, at makatutulong sa paglago ng ekonomiya.

98

Related posts

Leave a Comment