INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng maternity benefits ng Philippine Health Insurance Corporation simula Abril 30, 2026.
Sa ilalim ng bagong polisiya, itataas sa P29,000 ang coverage para sa normal hospital deliveries mula sa dating P9,750, habang ang benepisyo para sa cesarean sections ay itataas sa pagitan ng P58,000 at P62,000 mula P37,000.
Ayon sa Pangulo, layunin ng programa na mabawasan ang gastusin ng mga buntis at matiyak ang ligtas na panganganak.
Pinalawak din ang prenatal care coverage mula apat hanggang walong checkups, na sasaklaw na rin sa bakuna at laboratory tests, habang may tatlong follow-up visits para sa postnatal care.
Sinabi ni Pangulong Marcos na sa ilang kaso, maaaring wala nang bayaran ang mga pasyente lalo na kung sa ward manganganak kahit sa pribadong ospital.
Binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng pamahalaan na matiyak na walang ina ang malalagay sa panganib dahil sa kakulangan ng kakayahang pinansyal.
(CHRISTIAN DALE)
137 