KINALAMPAG ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal ang Korte Suprema upang agarang aksyunan ang kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa 21-pahinang petition for certiorari and prohibition na inihain ni Macalintal, hiniling nito sa Kataas-taasang Hukuman, partikular kay Chief Justice Alexander Gesmundo at mga kasamahang mahistrado, na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Republic Act No. 12326 na naglilipat sa iskedyul ng BSKE.
Hiniling din niya ang status quo ante order, temporary restraining order (TRO), at writ of preliminary injunction upang pigilan ang implementasyon ng batas at maibalik ang orihinal na iskedyul ng halalan sa November 2, 2026, sa halip na November 13, 2028.
Kasabay nito, hiniling ni Macalintal ang agarang special raffle sa kaso upang mapabilis ang pagtalakay ng Korte Suprema, dahil sa aniya’y “gipit na oras” para sa paghahanda sa halalan.
Nais din ng abogado na atasan ang Commission on Elections (COMELEC) na ipagpatuloy ang mga paghahanda para sa BSKE.
Binigyang-diin ni Macalintal na ang patuloy na pagpapaliban ng halalan ay nagdudulot ng pagkaantala sa karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga lider.
Nagbabala rin siya sa mga incumbent officials na huwag ikatuwa ang pagpapaliban ng halalan dahil aniya, tila ipinagdiriwang nito ang “pagkamatay ng demokrasya.”
“This honorable court conduct a special raffle of this case so that this urgent petition may be immediately acted upon,” giit ni Macalintal.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Senate of the Philippines, House of Representatives at COMELEC.
(JULIET PACOT)
62 