MGA PINANGALANAN NI GRACIOSO IPATATAWAG NG NBI

HANDANG ipatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga personalidad na binanggit ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. kaugnay ng alegasyon nitong pamamahagi ng bilyun-bilyong pisong cash sa pamilya Duterte.

Kabilang umano sa mga nakatanggap ng pera sina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.

Sa isang ambush interview kay NBI Director Atty. Melvin Matibag sa isinagawang Tripartite MOA Signing sa Department of Justice (DOJ), sinabi nitong bahagi ng kanilang imbestigasyon ang pag-imbita at pakikipag-ugnayan sa mga personalidad na pinangalanan ni Gracioso upang ma-validate ang mga alegasyon bago ito paniwalaan.

Sumipot sa tanggapan ng NBI si Gracioso nitong Lunes ng umaga upang magsumite ng kanyang sworn affidavit at mga ebidensya.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Gracioso na nag-deliver siya ng mahigit P2 bilyong cash na nakalagay sa mga maleta sa mga nabanggit na personalidad, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Ayon kay Matibag, isinailalim si Gracioso sa polygraph o lie detector test na nagpakita umano ng mataas na “truthfulness rating.”

Gayunman, nilinaw ni Matibag na patuloy pa ring bineberipika ng NBI sa pamamagitan ng intelligence validation ang mga impormasyong ibinigay ng dating pulis.

Binigyang-diin din ng NBI na bagamat may mga rekord si Gracioso sa Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa kanyang pagkakatanggal sa serbisyo, hiwalay umano ito sa pagsusuri sa kanyang testimonya.

Ani Matibag, ang pagkakaroon ng administrative case ay hindi nangangahulugang hindi na dapat imbestigahan ang mga alegasyong kanyang inihayag.

PNP Kinumpirma Security Detail ni Gracioso

Samantala, kinumpirma ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na naging security detail ni dating House Speaker Lord Allan Velasco si Gracioso.

Naging laman ng mga balita si Gracioso nitong nakaraang linggo matapos ipakilala ang sarili bilang dating chief security ni Velasco at ibunyag ang umano’y paghahatid niya ng maleta-maleta umanong pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.

Ayon kay Nartatez, dati nang naharap si Gracioso sa mga kasong administratibo at kriminal noong 2021 at 2022 habang nakatalaga sa Police Regional Office 4A.

Hindi umano agad naaksyunan ang mga kaso kaya umabot hanggang September 11, 2026 bago tuluyang nasibak sa serbisyo si Gracioso.

Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang mga pahayag ng dating pulis matapos itong magsumite ng kanyang sworn affidavit.

62

Related posts

Leave a Comment