LABIS ang pagkabahala ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima sa patuloy na dredging at sand extraction activities ng Chinese companies sa bansa, partikular sa San Felipe, Zambales, na aniya’y nagdudulot ng panganib sa kapaligiran at kabuhayan ng mga residente.
Sa kanyang House Resolution (HR) No. 424, hiniling ni De Lima sa liderato ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y large-scale dredging at extraction operations na kinasasangkutan ng China Harbour Engineering Company Ltd. (CHEC) — isang subsidiya umano ng China Communications Construction Company (CCCC) na pag-aari ng pamahalaang Tsino.
Ayon pa sa mambabatas, flood control at river restoration project umano ang deklaradong layunin ng CHEC sa Zambales, subalit taliwas ito sa nararanasan ng mga residente. Sa halip na maibsan ang pagbaha, lalo raw nasisira ang kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan sa lugar.
Batay sa ulat, ang operasyon ng CHEC ay pinahintulutan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng Administrative Order No. 2019-13. Ngunit giit ni De Lima, ang proyekto ay “large-scale sand mining and extraction operations disguised as public infrastructure initiatives.”
Nagbabala si De Lima na kung patuloy na mananahimik ang Malacañang, mas lalong lalakas ang loob ng mga dayuhang kumpanya na sirain ang likas na yaman ng bansa.
“Baka bukas makalawa, tuluyan nang mawasak ang ating mga likas na yaman, mawalan ng kabuhayan ang mga apektadong komunidad, at huwag naman sana, magising na lang tayo sa isang sakuna kung saan marami tayong kababayan ang mapapahamak,” mariing babala ng kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
55
