PINAKAMAHAL NA URI NG KAHOY, TINANGKANG IPUSLIT

NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang isang kilo ng agarwood, itinuturing na pinakamahal na uri ng puno o kahoy, na tinangkang ipuslit palabas ng bansa.

Ayon sa ulat, nasabat ang outbound cargo na naglalaman ng rare and highly valued agarwood na tinatayang nagkakahalaga ng P750,000, sa warehouse sa Pasay City na ilalabas sana ng bansa.

Ang nasabing uri ng kahoy na itinuturing na endangered ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay mahigpit na ipinagbabawal na ibenta lalo na sa ibang bansa.

In-demand o marami ang naghahanap ng agarwood dahil ginagamit ito sa paggawa ng pabango, tradisyunal na gamit, at mga luxury product.

Una itong idineklarang dried wood chips pero nang sumailalim sa physical examination ay nadiskubre na agarwood ang laman ng parcel.

Hindi pa pinapangalanan kung sino ang magpapadala ng kargamento at kung saang bansa ibabagsak, ang agarwoods ay itinurn-over na ng BOC Enforcement Group sa DENR habang nagsasagawa ang Aduana ng follow-up investigation kaugnay sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Forestry Reform Code of the Philippines (PD-705), at Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147), na siyang nagre-regulate sa trade and exportation ng endangered and protected species.

Pahayag naman ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, “The BOC will continue to uphold strict enforcement measures against wildlife trafficking, ensuring that our borders are not used for illicit activities that threaten biodiversity and environmental sustainability. (JESSE KABEL RUIZ)

5

Related posts

Leave a Comment