PATAY ang 43-anyos na pulis nang barilin ng kanyang misis na isa ring pulis sa garahe ng kanilang bahay sa Brgy. Cuayan, Angeles City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni PMajor Dexter Ebbat, chief of police ng Angeles City Police Office (ACPO), ang biktimang si Police Chief Master Sergeant Jayson Mariano, miyembro ng PNP na nakatalaga sa City Investigation and Detection Management Unit ng ACPO, residente ng nasabing lugar.
Kinilala naman ang suspek na si Police Staff Sergeant Karen Mariano, 34, misis ng biktima, miyembro rin ng PNP na nakatalaga sa Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Force Units sa Camp Olivas.
Lumabas sa imbestigasyon na noong gabi ng Pebrero 3, 2025 bandang 9:30 ng gabi, isang insidente ng pamamaril ang nangyari sa isang subdibisyon sa Brgy. Cuayan, Angeles City.
Habang ipinapasok umano ng biktima ang kanyang motor sa kanilang garahe nang biglang isang putok ng baril ang narinig mula rito.
Ayon sa kapitbahay na kinilalang si Voltaire Galarte, 46, may asawa, nakarinig siya ng malakas na putok at nang tingnan sa labas ay nakita biktimang walang malay at duguan na nakahandusay sa garahe, habang isang baril ang nasa tabi nito.
Bumalik sa kanyang bahay ang saksi para kunin ang kanyang cellphone para tumawag ng pulis at pagbalik sa labas ay nakita niyang pinupulot ng suspek ang nasabing baril.
Ang iba pang mga kapitbahay ay humingi ng tulong sa pulisya na mabilis na nakaresponde at inaresto ang suspek.
Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima para sa agarang medikal na atensyon ngunit nalagutan ng hininga bandang alas-12:01 ng madaling araw noong Pebrero 4, 2025.
Sinabi ni Maj. Ebbat, ang biktima ay may tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo.
“Base sa initial na investigation allegedly may pinagdadaanan na problema ang suspek we are still determining the cause,” sabi ni Ebbat.
Ang ginamit na baril base sa beripikasyon. ay kumpirmadong service firearm ng suspek na cal. 9mm Gen 4 Glock 17 PNP Standard Issue. (ELOISA SILVERIO)
9