PUNA Ni JOEL AMONGO
NAPAKARAMING katanungan ang taumbayan sa gobyerno ngayon, kung kailan naging computerized na ang proseso ng mga tanggapan nito ay saka naman naging matagal ang pag-iisyu ng tinatawag na government identifications (IDs).
Ayon sa mga nakausap ng PUNA, kung dati, ang postal identification na iniisyu ng PhilPost ay nakukuha sa loob lamang ng isang araw, ngayon ay umaabot na ng dalawang buwan.
Hindi na rin agad nag-iisyu sa loob ng isang araw ng Social Security System (SSS) Identification card, sa halip ay aabutin na rin ito ng buwan.
Maging ang national government identification na matagal nang inaplayan ng mga Pilipino, hanggang ngayon ay hindi pa rin naiisyu sa mga nag-apply.
Ang pinakabubwisitan pa ng mga Pilipino na kapag kumukuha sila ng ID sa mga tanggapan ng gobyerno tulad ng SSS, postal ID, at iba pang tinatawag na government issued IDs ay hinihingan sila ng dalawang valid IDs.
Paanong magkakaroon ng 2 valid IDs ang mga nag-a-apply, eh, kumukuha pa lang sila nito?
Sa pagkakaalam ng PUNA, kabilang sa mga sinasabing valid IDs ay ang driver’s license, SSS ID, Comelec registration ID, passport at iba pa.
Hindi ka naman kukuha ng driver’s license kung hindi ka magmamaneho, hindi ka rin naman kukuha ng passport kundi ka mag-a-Abroad.
Sa Comelec naman, halos lahat ng 18-years old pataas na mga Pilipino ay nakarehistro na, subalit hanggang ngayon ay hindi pa sila nakatatanggap ng kanilang Comelec registration ID.
Magkakaiba rin ang patakaran ng mga opisina ng gobyerno na ito na nag-iisyu ng tinatawag na valid IDs.
Sinasabi rin ng mga ito na kaya lalo silang natatagalan sa pag-iisyu ng valid IDs sa kabila na computerized na sila ay dahil sa kanilang backlog.
Ibig n’yo sabihin sa tagal na ng computer sa Pilipinas hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo makapag-adjust? O baka naman dahilan n’yo lang ‘yan para pagkakitaan n’yo ang online scheduling sa pagkuha ng mga ID?
Ngayon kailangan mo muna mag-online para magpa-schedule sa pagkuha halimbawa ng NBI ID o clearance, samantalang dati pupunta ka lang sa kanilang mga opisina, pag-uwi mo dala muna ang kailangan mo. Wala pang computer ‘yan noon sa Pilipinas, mano-mano pa ang proseso ng mga dokumento sa mga tanggapan ng gobyerno.
Dapat na nga bang palitan ang pangalan ng Pilipinas sa Pilipinas?
Ang nangyayari ngayon sa bansa natin, sa halip na pasulong ay nagiging paurong tayo.
Nakadidismayang isipin na imbes na mabilis na ang proseso ng mga dokumento sa mga tanggapan ng gobyerno dahil computerized na tayo ay lalo pang naging mabagal.
Sinasadya ba ito para pagkakitaan nila ang paggamit ng online sa pagpapa-schedule sa pagkuha ng government IDs?
Kung ganyan din lang, mas makabubuti na ibalik na lamang sa dating proseso na mano-mano na hindi gumagamit ng computer na agad nakukuha ang tinatawag na valid IDs.
Hindi rin magawa ng mga Pilipino ang kanilang transaction sa mga bangko at remittance centers kung wala silang tinatawag na dalawang government issued IDs. Gusto mong kumuha ng government IDs sa mga tanggapan ng gobyerno, hahanapan ka ng dalawang government issued bago ka nila i-entertain. Ano ba ‘yan?
Common sense rin paminsan-minsan mga kapatid, hahanapan n’yo ng government issued ang may transaksyon sa inyo, eh, kumukuha pa lang ‘yan para magkaroon siya. Hoy! Mag-isip naman kayo. Buwisit!Kaya ngayon, ang panawagan ng taumbayan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay aksyunan niya ang problema sa pagkuha ng valid IDs.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0977-751-1840.
