PMA OFFICERS SINIBAK; 2 PANG KADETE NA-OSPITAL SA HAZING

(NI JG TUMBADO)

PORMAL nang sinampahan ng kasong homicide sa Baguio City Prosecutor’s Office ang tatlong kadete na sangkot sa hazing at pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Kasabay nito ay ang pagkakasibak ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) sa ilan nilang opisyales na may direktang pagkakasangkot sa hazing kay Dormitorio.

Sa pinagsamang pahayag ng PMA at ng Baguio City Police Office (BCPO), dalawa sa mga opisyal ng PMA ang na relieve na sa kanilang mga tungkulin na sinasabing kabilang sa pagpayag ng mga ito sa hazing kay Dormitorio ng kanyang mga higher classmen.

“Yes, the senior tactical officer and the tactical officer of Cadet Fourth Class Dormitorio, na-relieve na po sila, they are the ground commanders sa company level… sila ‘yung na-relieve for us to have a better or impartial investigation po,” pahayag ni Major Ray Afan, tagapagsalita ng PMA.

Nasawi ang 20-anyos na kadete nitong Miyerkoles ng gabi matapos ang hazing sa kanya.

Ininda ni Dormitorio ang sobrang pananakit ng tiyan na pinuruhan ng kanyang mga higher classmen.

Nabatid pa kay Afan na may siyam na kadete ang ikinukunsidera nilang mga testigo sa nabanggit na insidente.

“It is in PMA and everyone’s interest for the truth to be exposed, for all persons responsible to be identified, and for a solid case to be established,” saad pa ni Afan.

Samantala, kaugnay parin ng hazing ay ibinunyag na rin mismo ni outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff General Benjamin Madrigal Jr. na may dalawa pang 4th class cadet ng PMA ang na-ospital.

Ang isa umano sa kanila ay isinugod sa military hospital nitong September 17 habang ang isa naman ay naitakbo noong September 12 matapos silang sumailalim sa hazing.

Ipinag-utos na rin ni Madrigal sa PMA ang pagsibak sa kanila at mailagay sa holding center habang kasalukuyan pa silang iniimbestigahan.

172

Related posts

Leave a Comment