PLANO ng Philippine National Police (PNP) na maglagay ng dalawa hanggang apat na tauhan ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa bawat lokal na checkpoint sa bansa.
Ito ay kasunod na naitalang road rage sa Antipolo, Rizal na nauwi sa pamamaril at ikinasawi ng isang rider at ikinasugat pa ng apat na iba na nag-ugat lamang sa gitgitan at habulan.
Ayon kay HPG spokesperson Lieutenant Nadame Malang, manggagaling ang mga karagdagang personnel mula sa 86 Provincial Highway Patrol Group bilang pagtalima sa kautusan ni PNP Chief General Rommel Marbil.
Layunin ni Gen. Marbil na higit pang palakasin ang seguridad at pagbabantay sa mga border control, lalo na ngayong election period.
Ayon sa heneral, karaniwang mga ordinaryong pulis lamang ang nakatalaga sa mga checkpoint at wala silang temporary operator’s permit mula sa LTO.
Sinasabing ang nasabing measure ay bunsod na rin ng insidente ng road rage sa Antipolo City, kung saan may dalang baril ang suspek kahit pa may umiiral na election gun ban.
Naharang ng mga humabol na pulis ng Antipolo ang suspek sa nag-viral na insidente ng road rage dahil sa Comelec checkpoint.
Subalit nilinaw ng taga pagsalita na mananatili ang pagpapatupad ng plain view doctrine sa mga nakalatag na checkpoint, anuman ang uri ng sasakyan—motor man o four wheel vehicle.
(JESSE KABEL RUIZ)
