GUTOM at pagod nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Navy (PN) ang anim na mangingisda na tatlong araw nang stranded sa laot matapos masiraan ng makina ang kanilang bangka sa Davao Gulf.
Ayon sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, may anim na mangingisda ang nasagip ng kanilang mga tauhan sa dagat na sakop ng Davao.
Base sa isinumiteng report, noong Miyerkoles habang nagsasagawa ng routine patrol ang BRP Herminigildo Yurong (PG 906) ay namataan nila ang palutang-lutang na fishing boat na F/B Lydia 001, nasa 2.7 nautical miles mula sa Kaganuhan Point, Governor Generoso.
Agad naman silang sinaklolohan ng PN, pinainom at pinakain ang mga nasagip na mangingisda bago dinala sa pinakamalapit na ospital.
Ayon sa kapitan ng bangka, nagmula sila sa General Santos City at patungong Mati nang magkaroon ng aberya ang makina ng sinasakyan nilang fishing boat.
(JESSE KABEL RUIZ)
