PNP PINAKILOS SA TANGKANG PAGLIKIDA SA BARMM INTERIM CHIEF

KINONDENA ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang pananambang sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua nitong Sabado sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tukuyin at papanagutin ang mga nasa likod ng pag-atake.

Tatlong sasakyan ng convoy ni Macacua ang tinambangan ng mga armadong suspek habang bumibiyahe ito mula sa kanyang hometown sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, patungo sa proclamation rally ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), ang partidong kanyang sinalihan kung saan siya itinalagang chairman.

Ligtas naman si Macacua at ang kanyang mga staff, bagama’t nagtamo ng mga butas ng bala ang tatlong luxury vehicle, kabilang ang isang sasakyang sinasakyan ng interim chief minister.

Nanawagan naman si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng espekulasyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sinabi ni Macacua na hindi magiging hadlang ang tangkang pagpatay sa pagsusulong ng kapayapaan at sa nakatakdang unang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Samantala, inatasan din ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang PNP at AFP na agad tukuyin ang mga responsable at dalhin ang mga ito sa hustisya.

(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)

56

Related posts

Leave a Comment