NANANATILI sa mga evacuation center ang 9,101 pamilya o 31,456 indibidwal dahil sa epekto ng mga pag-ulan dulot ng nagdaang bagyong Luis at Maymay at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Bahagi sila ng 1.4 milyong pamilya o halos limang milyong katao na naapektuhan ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon kay Diego Agustin Mariano ng NDRRMC, umakyat na sa 23 ang bilang ng mga nasawi, kabilang ang 15 mula sa Benguet dahil sa mga pagguho ng lupa.
May tatlo ring nawawala at 17 ang nasugatan dahil sa epekto ng Luis, Maymay at Habagat.
Umabot na sa P3.3 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P689 milyon naman sa agrikultura, habang P654 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
Mahigit 1,800 bahay din ang nasira, kabilang ang 178 na totally damaged.
(JESSE RUIZ)
80 